Saturday, March 27, 2010

Takot

Noong isang araw masakit ang ulo ko mga dakong hapon na iyon....bigla naramdaman ko para akong nahihilo....o hindi ? Narinig ko na lang ang isang kasama ko na nagsabi "lumilindol yata" ....pinakiramdaman ko kung nahihilo nga ako at napansin ko ang pagyanig ng mga bagay sa ibabaw ng aking mesa....lumilindol nga sabi ko sa sarili ko . Umusal ako ng dasal habang mabilis na tumitibok ang puso ko sa kaba at takot. Narinig ko ang lahat ng kasama ko na nagsilabasan na ng opisina nakisabay ako sa kanila ....lahat ng gamit ko ay naiwan sa loob. Hindi bale na yung mga nateryal na bagay ang importante buhay pa ako.

Wednesday, March 24, 2010

Limot

Tumunog ang telepono ko sa opisina. Nasa dulo ng linya ang aking ina tila batang nagsusumbong . Nawala daw yung mga papel at dokumento niya na pinapakopya sa isang tindahan sa bayan. Ang dami niyang tanong tulad ng kung makakakuha pa daw ba kami ng kopya sa records section ng hospital. Nagpaliwanag ako sa kanya pero sa kabilang linya eh tuloy tuloy ang pagmamaktol niya sa nangyari . Di na ako muling nakapagsalita dahil bigla ko na lang narinig ang pagbaba ng telepono . Hudyat na tapos na ang pag-uusap na iyon.

May lungkot akong naramdaman noong mga oras na iyon. Sa isip ko , limot na nga ng nanay ko ang ibang mga ginagawa niya pati ang simpleng pagdala ng mga dokumento ay nakakalimutan na. Dala na din marahil ng katandaan na halos e pitong dekada na sa aking pagkakaalam.

Sana di niya malimutan na narito kami at patuloy na magmamahal sa kanya anu pa man ang mangyari .

Friday, March 19, 2010

Kirot

Mula sa opisina dumaan ako sa bahay ng nanay ko. Naabutan ko siyang nakaupo. Tinanong ko siya kung may masakit sa kanya . Sabi nya sa mahinang tono "tulad ng dati", nakaramdam ako ng lungkot at isang masakit na kirot sa isang bahagi ng puso ko. May karamdaman ang aking ina, isang sakit na walang lunas at tulad ng mga taong may ganitong kaso isa lang ang kadalasan na resulta at alam natin lahat iyon. Inalo ko siya at sinabihan kong magpahinga at baka napagod lang siya. Pinipigilan ko ang pagtulo ng luha ko habang kausap siya at pinilit kong pasayahin ang tono ng boses ko .

Nag iba kami ng tema ng usapan habang nakisalo sa amin ang kapatid ko at ang aking ama. Pinagbilinan ko ang nakababatang kapatid ko na bantayan ang matatanda namin lalo na sa oras ng pag inom ng mga gamot. Sabi ko siya lang ang maasahan ko habang nasa trabaho ako. Nagpaalam ako para umuwi. Ilang hakbang lamang naman ang bahay namin sa kanila nagdahilan ako na magluluto pa ako . Umalis ako at nagpaalam sa aking ama at ina . Pagpasok ko sa loob ng bahay ay dumiretso ako sa medicine cabinet namin hinanap ko isang pain reliever na ininom ko noong nakaraang araw na masama ang pakiramdam ko. Naisip ko na kahit sa pagkakataong iyon maibsan ko ang sakit na nararamdaman ng aking ina. Kung alam lang niya .....

Tuesday, March 16, 2010

Pagbabalik

Matagal na din pala akong nawala ...matagal din hindi nakapaglabas ng mga saloobin...madaming bagay na ang nangyari ...masaya at yung mga hindi gaano masaya ... muli akong magbabahagi ng aking sarili dito....sana muli akong makapagpahayag sa pamamagitan ng panulat.