Showing posts with label Panimdim at agam-agam. Show all posts
Showing posts with label Panimdim at agam-agam. Show all posts

Tuesday, September 20, 2011

Appraisal

Nagsimula na ang work appraisal di ko talaga maintindihan kung bakit sa ganitong panahon ginagawa ng opisina ang appraisal. Sa pagkakaalam ko appraisal is an evaluation of performance or work done sa isang prescribed na panahon at sa kaso ko ay sa taong 2010. E anong petsa na ba?? Aba eh its almost the last quarter of the year at di ba nga ber months na ibig sabihin malapit na ang pasko...aba eh parang ang tagal naman yata ng proseso na yan o di kaya delaying tactic lang ng kumpanya para maiwasan ang panibagong gastos tinatawag kong salary increase..haaays di talaga makatarungan ito...hanggang kelan ba ako tatagl sa ganitong uri ng di makataong pagtrato sa uring manggagawa...hanggang kelan kaya??

Tuesday, April 27, 2010

Lungkot at Sakit

Ngayong araw na ito dumating ang araw na isa sa mga kinatatakutan ko. Matinding lungkot at sakit ng kalooban ang nararamdaman ko habang sinusulat ko ito. Madaling araw ng ginising ako ng isang tawag, tawag ng aking kapatid na humihingi ng tulong. Pinuntahan ko ang aking ina at inaabutan ko syang namimilipit sa sakit na nararamdaman niya. Kumirot ang puso ko ng madatnan ko ang eksenang iyon. Dala ng sakit ng aking ina ang dahilan ng tagpong iyon.

Hinagod ko at matiyaga ko siyang nilagyan ng " hot compress" upang kahit panandalian ay maibsan ang sakit na nararamdaman nya. Sa kabila noon ay wala pa din akong kapangyarihan para alisin ang sakit na tinitiis nya. Alumpihit pa rin ako at balisa pero di ko bingyan ng pagkakataon na ipahalata iyon sa aking ina . Inalo ko siya ng konti para mawala sa isip nya ang matinding sakit na di ko maipaliwanag . Binantayan ko sya hanggang makaramdam ng pagod sa pagdaing dahil sa malubhang sakit na dinaramdam nya.

Ngayong araw buong tapang kong hinarap ang ng sinabi na ng doktor na tumitingin sa aking ina ang bagay na di na namin pwedeng ipagkaila at ipagsinungaling sa aming sarili. Ito na ang simula ng kalbaryo at pasakit na pagdaraanan namin lalo na ng aking ina dahil sa sakit na taglay niya. Lumuluha akong humarap sa doktor niya pero kailangan kong tanggapin ang lahat ng bagay na sinabi nya sa akin at sa kapatid ko. Sa araw ng bukas may panibago na naman kaming kailangang pagdaanan , di ko alam kong kakayanin ng aking ina , di ko alam kung kakayanin ko pa pero sa awa at tulong Nya gagawin ko pa din ang lahat para sa aking mahal na ina.
Ngayong araw pa lang na ito ay halos nagluluksa na ako paano pa kaya sa pagdating ng takdang araw na iyon?

Friday, April 09, 2010

Bawi

Ilang araw din ang lumipas mula ng huli akong magsulat...sa ngayon mabuti na ang pakiramdam ko pero ganun pa man madami pa din akong nararamdaman na sakit ....sakit ng kalooban , damdamin , at kung anu anu pa ...di ko alam kung kailan ito matatapos ...sa kinabukasan isang importanteng araw ito para sa isang mahal ko sa buhay. Masaya sana ang araw na ito...mapasaya ko sana siya sa espesyal na araw na ito.

Saturday, March 27, 2010

Takot

Noong isang araw masakit ang ulo ko mga dakong hapon na iyon....bigla naramdaman ko para akong nahihilo....o hindi ? Narinig ko na lang ang isang kasama ko na nagsabi "lumilindol yata" ....pinakiramdaman ko kung nahihilo nga ako at napansin ko ang pagyanig ng mga bagay sa ibabaw ng aking mesa....lumilindol nga sabi ko sa sarili ko . Umusal ako ng dasal habang mabilis na tumitibok ang puso ko sa kaba at takot. Narinig ko ang lahat ng kasama ko na nagsilabasan na ng opisina nakisabay ako sa kanila ....lahat ng gamit ko ay naiwan sa loob. Hindi bale na yung mga nateryal na bagay ang importante buhay pa ako.

Wednesday, March 24, 2010

Limot

Tumunog ang telepono ko sa opisina. Nasa dulo ng linya ang aking ina tila batang nagsusumbong . Nawala daw yung mga papel at dokumento niya na pinapakopya sa isang tindahan sa bayan. Ang dami niyang tanong tulad ng kung makakakuha pa daw ba kami ng kopya sa records section ng hospital. Nagpaliwanag ako sa kanya pero sa kabilang linya eh tuloy tuloy ang pagmamaktol niya sa nangyari . Di na ako muling nakapagsalita dahil bigla ko na lang narinig ang pagbaba ng telepono . Hudyat na tapos na ang pag-uusap na iyon.

May lungkot akong naramdaman noong mga oras na iyon. Sa isip ko , limot na nga ng nanay ko ang ibang mga ginagawa niya pati ang simpleng pagdala ng mga dokumento ay nakakalimutan na. Dala na din marahil ng katandaan na halos e pitong dekada na sa aking pagkakaalam.

Sana di niya malimutan na narito kami at patuloy na magmamahal sa kanya anu pa man ang mangyari .

Friday, March 19, 2010

Kirot

Mula sa opisina dumaan ako sa bahay ng nanay ko. Naabutan ko siyang nakaupo. Tinanong ko siya kung may masakit sa kanya . Sabi nya sa mahinang tono "tulad ng dati", nakaramdam ako ng lungkot at isang masakit na kirot sa isang bahagi ng puso ko. May karamdaman ang aking ina, isang sakit na walang lunas at tulad ng mga taong may ganitong kaso isa lang ang kadalasan na resulta at alam natin lahat iyon. Inalo ko siya at sinabihan kong magpahinga at baka napagod lang siya. Pinipigilan ko ang pagtulo ng luha ko habang kausap siya at pinilit kong pasayahin ang tono ng boses ko .

Nag iba kami ng tema ng usapan habang nakisalo sa amin ang kapatid ko at ang aking ama. Pinagbilinan ko ang nakababatang kapatid ko na bantayan ang matatanda namin lalo na sa oras ng pag inom ng mga gamot. Sabi ko siya lang ang maasahan ko habang nasa trabaho ako. Nagpaalam ako para umuwi. Ilang hakbang lamang naman ang bahay namin sa kanila nagdahilan ako na magluluto pa ako . Umalis ako at nagpaalam sa aking ama at ina . Pagpasok ko sa loob ng bahay ay dumiretso ako sa medicine cabinet namin hinanap ko isang pain reliever na ininom ko noong nakaraang araw na masama ang pakiramdam ko. Naisip ko na kahit sa pagkakataong iyon maibsan ko ang sakit na nararamdaman ng aking ina. Kung alam lang niya .....

Thursday, August 30, 2007

Panahon

Matagal-tagal na din pala mula nung huli kong post kita mo nga naman at matulin na lumipas ang mga araw at heto katapusan na naman , araw ng sweldo para sa mga namamasukan. Marami na din ang dumating na bagyo at katulad ng panalangin natin para sa ulan natugunan ang problema natin sa tubig at patuloy na umuulan para sa irrigasyon ng mga pananim sa mga probinsiya.


Kasabay ng pagbabago ng panahon, dumami din ang nagkaroon ng mga mumunting karamdaman tulad ng sipon, ubo at lagnat dala marahil ng pag-iiba ng temperatura natin sana lang ay mabigyan agad ng atensiyon para hindi lumala. Naalala ko tuloy na kailangan ko nga pala uling bumalik sa doctor para sa aking follow-up check up. Ganun yata talaga kapag nagkaka-edad ang tao nagiging prone sa lahat ng uri ng sakit.

Sa ngayon naghihintay pa din ako sa magiging resulta ng aking pagkonsulta at magkahalong kaba at lungkot ang aking nararamdaman sa mga panahong ito. Sa lahat ng ito itinataas ko ang aking magiging kapalaran sa nasa itaas .

Friday, June 01, 2007

Ulan

Unang araw na ng Hunyo at nandito na nga ang tag-ulan. Pabugso-bugso minsan mahina tapos biglang lalakas at kasabay noon ay sari-saring karamdaman at pakiramdam ang hatid sa ating lahat.

Katulad ng pakiramdam ko nitong mga nagdaang panahon at hanggang ngayon pa rin naman. May katagalan na din itong di-mawaring pakiramdam na ito. Sa ngayon may krisis akong pinagdadaanan ...to pursue or not to pursue..to work or not to work...that is the question. Nabanggit ko na minsan na nagkaroon ng problema sa opisina Nagkagulo dahil sa isang anomalya na sangkot ang isang mataas na opisyal at tulad ng inaasahan damay ang buong opisina at kasama ako doon. Buong tibay kong dinala ito sa aking puso at isipan. Kaliwat kanang mga meeting at pakikipag-usap . Nakakapagod pero sa huli nakakita ako ng pag-asa.

Mali pala ang akala ko . Habang sinusulat ko ito parang lalong gumugulo ang sitwasyon. Nagkaroon ng bagong dayuhang pinuno at tulad ng inaasahan may mga bagong rules and protocols na dapat sundin Lahat ay obligadong sumunod pero hati pa din loob ng karamihan. Hindi ko alam kung kaya ko pa dalhin ang panibagong hamon na ito sa aking trabaho. Tila kasi mabigat na aking ulo , kasabay sa pagkirot ng aking puso. Kirot marahil ito ng kabiguan . Hindi ko alam hanggang saan ako dadalhin nga aking pakikibaka. Hindi ko alam kung aabot ako sa pagkamanhid ng buo kong katawan pero isa lang ang alam kong sigurado ako.......tuloy ang laban ko para sa aking paninindigan.