Wednesday, March 24, 2010

Limot

Tumunog ang telepono ko sa opisina. Nasa dulo ng linya ang aking ina tila batang nagsusumbong . Nawala daw yung mga papel at dokumento niya na pinapakopya sa isang tindahan sa bayan. Ang dami niyang tanong tulad ng kung makakakuha pa daw ba kami ng kopya sa records section ng hospital. Nagpaliwanag ako sa kanya pero sa kabilang linya eh tuloy tuloy ang pagmamaktol niya sa nangyari . Di na ako muling nakapagsalita dahil bigla ko na lang narinig ang pagbaba ng telepono . Hudyat na tapos na ang pag-uusap na iyon.

May lungkot akong naramdaman noong mga oras na iyon. Sa isip ko , limot na nga ng nanay ko ang ibang mga ginagawa niya pati ang simpleng pagdala ng mga dokumento ay nakakalimutan na. Dala na din marahil ng katandaan na halos e pitong dekada na sa aking pagkakaalam.

Sana di niya malimutan na narito kami at patuloy na magmamahal sa kanya anu pa man ang mangyari .

No comments: