Tuesday, April 27, 2010

Lungkot at Sakit

Ngayong araw na ito dumating ang araw na isa sa mga kinatatakutan ko. Matinding lungkot at sakit ng kalooban ang nararamdaman ko habang sinusulat ko ito. Madaling araw ng ginising ako ng isang tawag, tawag ng aking kapatid na humihingi ng tulong. Pinuntahan ko ang aking ina at inaabutan ko syang namimilipit sa sakit na nararamdaman niya. Kumirot ang puso ko ng madatnan ko ang eksenang iyon. Dala ng sakit ng aking ina ang dahilan ng tagpong iyon.

Hinagod ko at matiyaga ko siyang nilagyan ng " hot compress" upang kahit panandalian ay maibsan ang sakit na nararamdaman nya. Sa kabila noon ay wala pa din akong kapangyarihan para alisin ang sakit na tinitiis nya. Alumpihit pa rin ako at balisa pero di ko bingyan ng pagkakataon na ipahalata iyon sa aking ina . Inalo ko siya ng konti para mawala sa isip nya ang matinding sakit na di ko maipaliwanag . Binantayan ko sya hanggang makaramdam ng pagod sa pagdaing dahil sa malubhang sakit na dinaramdam nya.

Ngayong araw buong tapang kong hinarap ang ng sinabi na ng doktor na tumitingin sa aking ina ang bagay na di na namin pwedeng ipagkaila at ipagsinungaling sa aming sarili. Ito na ang simula ng kalbaryo at pasakit na pagdaraanan namin lalo na ng aking ina dahil sa sakit na taglay niya. Lumuluha akong humarap sa doktor niya pero kailangan kong tanggapin ang lahat ng bagay na sinabi nya sa akin at sa kapatid ko. Sa araw ng bukas may panibago na naman kaming kailangang pagdaanan , di ko alam kong kakayanin ng aking ina , di ko alam kung kakayanin ko pa pero sa awa at tulong Nya gagawin ko pa din ang lahat para sa aking mahal na ina.
Ngayong araw pa lang na ito ay halos nagluluksa na ako paano pa kaya sa pagdating ng takdang araw na iyon?

Thursday, April 22, 2010

Tama ba o Mali?

Di maganda ang araw na ito para sa akin. Isang baguhan ang posibleng mapabilang sa amin....wala akong tutol sa mga bagay na ganito ang sa akin lang basta nasa tamang paraan ng proseso ang pagdadaanan at ang pinagbabatayan ay ang kakayahan . Sa kasong ito hindi ganoon ang isyu...dahil ba "bata" siya ng boss? Kahit bagsak sa evaluation at hindi na meet ang criteria na kinakailangan para sa posisyon kelangan bang bigyan siya ng pabor dahil sabi ng boss?? Tama ba o mali ang umapela at ipahayag kung ano ang tama? Naging inutil ako sa puntong ito sa aking pakiramdam . Gusto kong sumigaw sa galit pero wala akong magawa ...tama ba o mali?

Friday, April 09, 2010

Bawi

Ilang araw din ang lumipas mula ng huli akong magsulat...sa ngayon mabuti na ang pakiramdam ko pero ganun pa man madami pa din akong nararamdaman na sakit ....sakit ng kalooban , damdamin , at kung anu anu pa ...di ko alam kung kailan ito matatapos ...sa kinabukasan isang importanteng araw ito para sa isang mahal ko sa buhay. Masaya sana ang araw na ito...mapasaya ko sana siya sa espesyal na araw na ito.

Thursday, April 01, 2010

Pagod

Mga ilang araw na rin ako nakakaramdam ng kakaiba ...mabigat na pakiramdam, nag-aapoy na init na sumisingaw sa mata, masakit na katawan, matindig pagkirot ng ulo ...at ng lahat ng pwedeng sumakit sa akin ...mga ilang araw din mawawalan ng pasok ...di ko alam kung makakapagpahinga pa ang pagod kong katawan at isipan....sana naman ...sana...

Saturday, March 27, 2010

Takot

Noong isang araw masakit ang ulo ko mga dakong hapon na iyon....bigla naramdaman ko para akong nahihilo....o hindi ? Narinig ko na lang ang isang kasama ko na nagsabi "lumilindol yata" ....pinakiramdaman ko kung nahihilo nga ako at napansin ko ang pagyanig ng mga bagay sa ibabaw ng aking mesa....lumilindol nga sabi ko sa sarili ko . Umusal ako ng dasal habang mabilis na tumitibok ang puso ko sa kaba at takot. Narinig ko ang lahat ng kasama ko na nagsilabasan na ng opisina nakisabay ako sa kanila ....lahat ng gamit ko ay naiwan sa loob. Hindi bale na yung mga nateryal na bagay ang importante buhay pa ako.

Wednesday, March 24, 2010

Limot

Tumunog ang telepono ko sa opisina. Nasa dulo ng linya ang aking ina tila batang nagsusumbong . Nawala daw yung mga papel at dokumento niya na pinapakopya sa isang tindahan sa bayan. Ang dami niyang tanong tulad ng kung makakakuha pa daw ba kami ng kopya sa records section ng hospital. Nagpaliwanag ako sa kanya pero sa kabilang linya eh tuloy tuloy ang pagmamaktol niya sa nangyari . Di na ako muling nakapagsalita dahil bigla ko na lang narinig ang pagbaba ng telepono . Hudyat na tapos na ang pag-uusap na iyon.

May lungkot akong naramdaman noong mga oras na iyon. Sa isip ko , limot na nga ng nanay ko ang ibang mga ginagawa niya pati ang simpleng pagdala ng mga dokumento ay nakakalimutan na. Dala na din marahil ng katandaan na halos e pitong dekada na sa aking pagkakaalam.

Sana di niya malimutan na narito kami at patuloy na magmamahal sa kanya anu pa man ang mangyari .

Friday, March 19, 2010

Kirot

Mula sa opisina dumaan ako sa bahay ng nanay ko. Naabutan ko siyang nakaupo. Tinanong ko siya kung may masakit sa kanya . Sabi nya sa mahinang tono "tulad ng dati", nakaramdam ako ng lungkot at isang masakit na kirot sa isang bahagi ng puso ko. May karamdaman ang aking ina, isang sakit na walang lunas at tulad ng mga taong may ganitong kaso isa lang ang kadalasan na resulta at alam natin lahat iyon. Inalo ko siya at sinabihan kong magpahinga at baka napagod lang siya. Pinipigilan ko ang pagtulo ng luha ko habang kausap siya at pinilit kong pasayahin ang tono ng boses ko .

Nag iba kami ng tema ng usapan habang nakisalo sa amin ang kapatid ko at ang aking ama. Pinagbilinan ko ang nakababatang kapatid ko na bantayan ang matatanda namin lalo na sa oras ng pag inom ng mga gamot. Sabi ko siya lang ang maasahan ko habang nasa trabaho ako. Nagpaalam ako para umuwi. Ilang hakbang lamang naman ang bahay namin sa kanila nagdahilan ako na magluluto pa ako . Umalis ako at nagpaalam sa aking ama at ina . Pagpasok ko sa loob ng bahay ay dumiretso ako sa medicine cabinet namin hinanap ko isang pain reliever na ininom ko noong nakaraang araw na masama ang pakiramdam ko. Naisip ko na kahit sa pagkakataong iyon maibsan ko ang sakit na nararamdaman ng aking ina. Kung alam lang niya .....

Tuesday, March 16, 2010

Pagbabalik

Matagal na din pala akong nawala ...matagal din hindi nakapaglabas ng mga saloobin...madaming bagay na ang nangyari ...masaya at yung mga hindi gaano masaya ... muli akong magbabahagi ng aking sarili dito....sana muli akong makapagpahayag sa pamamagitan ng panulat.