Wednesday, October 03, 2007

Telepono

Nasa ikatlong araw na pala ng buwan ng Oktubre at medyo matagal na din mula noong huli akong magsulat. Maraming kabanata na ng buhay ko ang nagdaan . Alam kong madami akong dapat ikuwento sa inyo at sa dami e hindi ko na matandaan lahat ng detalye. Ganun pa man sisikapin ko pa din ibahagi ang ilan sa mga iyon .


Noong nakaraang linggo nawala ang aking bagong celfone. Nadismaya ako ng madiskubre ko ito na nasa bahay na ako. Masyadong mabilis ang pangyayari dahil hindi ko alam kung sa taxi ko nga naiwan iyon. Di ko malaman ang gagawin ko...iiyak ba ako? Haaay natawa na lang ako kasi wala na akong magagawa dahil wala na nga yung telepono ko. Tumawag ako sa telecom company kung saan nag request ako ng blocking ng sim card ko at ng celfone unit ko mismo. Mabilis naman naisagawa ang aking request kaya medyo payapa na ang kalooban ko. Matagl na din ako gumagamit ng celfone at first time kong mawalan ng ganito kaya natatawa ako dahil at least minsan lang umiral ang katangahan ko
Kinabukasan pumunta agad ako sa pinakamalapit na business center ng telecom company na malapit sa lugar namin at aking kinuha ang kapalit na sim card ngunit ganun pa din ang numero ko . Maghintay daw ako ng mga dalawang oras at activated na raw ito at pwede na uling gamitin. Makalipas ang dalawang oras nagulat ako dahil tumatawag na ang Nanay ko. Napangiti ako dahil napakabilis ng serbisyo nila. Haaayy tuloy na naman ang buhay ng telepono ko.
Naisip ko matapos mawala ng celfone ko bukas kaya anu naman ang maiwawaglit ko?

Thursday, August 30, 2007

Panahon

Matagal-tagal na din pala mula nung huli kong post kita mo nga naman at matulin na lumipas ang mga araw at heto katapusan na naman , araw ng sweldo para sa mga namamasukan. Marami na din ang dumating na bagyo at katulad ng panalangin natin para sa ulan natugunan ang problema natin sa tubig at patuloy na umuulan para sa irrigasyon ng mga pananim sa mga probinsiya.


Kasabay ng pagbabago ng panahon, dumami din ang nagkaroon ng mga mumunting karamdaman tulad ng sipon, ubo at lagnat dala marahil ng pag-iiba ng temperatura natin sana lang ay mabigyan agad ng atensiyon para hindi lumala. Naalala ko tuloy na kailangan ko nga pala uling bumalik sa doctor para sa aking follow-up check up. Ganun yata talaga kapag nagkaka-edad ang tao nagiging prone sa lahat ng uri ng sakit.

Sa ngayon naghihintay pa din ako sa magiging resulta ng aking pagkonsulta at magkahalong kaba at lungkot ang aking nararamdaman sa mga panahong ito. Sa lahat ng ito itinataas ko ang aking magiging kapalaran sa nasa itaas .

Thursday, August 02, 2007

Pasasalamat

Ang bilis lumipas ng panahon tingnan mo nga naman at buwan na naman ng kaarawan ko at kapag ganitong mga panahon ay nagbabalik tanaw ako sa lahat ng nangyari sa aking buhay at tulad ng dati di ko maiwasan ang pagdaloy ng nangingilid kong mga luha kasabay ng malakas na buhos ng ulan sa bubungan nag aming bahay.


Matagal din ang naging tagtuyo sa bansa at sinagot ang ating panalangin para sa ulan. Dumating si Chedeng at habang papaalis siya ay dumating naman si Dodong. Sana maging maganda naman ang maging bunga ng mga ulan na ito sa ating mga pananim at karagdagang patubig sa ating mga dam.


Sa buhos ng ulan, muling sumagi sa isipan ko ang mga pangyayari sa buhay ko nitong nagdaang panahon. Mga pagsubok sa personal na buhay, sa trabaho, sa mga kaibigan, sa pakikipag relasyon, sa krisis sa pamilya...ahhhh marami-rami na din pala ang napagdaanan ko. Heto sa awa ng Poong Maykapal , nakatayo pa din at patuloy na lumalaban sa hamon ng buhay.


Para sa mga taong nakadaupang-palad ko , sa totoong buhay man o sa virtual na mundo, masaya akong mapasyal sa mga bahay ninyo. Hindi man ninyo naitatanong ay naging bahagi din kayo ng buhay ko at sa aking pamamasyal ay unti-unti kong binabasa ang bawat isa sa inyo. Salamat sa pagkakataong ibinigay ninyo.


Para sa mga taong di ko gaano napasaya, mga taong nagalit at nainis, salamat din sa inyo dahil sa lahat ng ito ay unti-unti ko ding natutunan na marami din pala akong kayang gawin tulad ng mas malalim ng pang unawa . Salamat sa bagong aral na naituro ninyo.


Hindi ko alam kung hanggang saan pa ang kaya ko...di ko din masabi kung kakayanin ko ito hanggang huli pero isa lang ang masasabi ko....SALAMAT . Isang buong pusong pasasalamat ang aking alay para sa KANYA.... salamat sa makahulugang buhay na ipinahiram ninyo. Kalakip ng pasasalamat na ito ang panalangin sa patuloy na pag gabay sa landas ng buhay.

Thursday, July 12, 2007

Ang PT

Una ko siyang nakita na suot ang asul na shorts at ang kulay puting polo shirt. Mukhang aburido siya di ko alam kung galit siya o di kaya ay pagod lang. Isang tanong at isang sagot lang ang unang engkwentro namin . Pagkatapos noong araw na iyon akala ko ay di na muli magkukrus ang aming landas pero mali pala ako.

Dalawang buwan din ang lumipas bago ko siya muling nakita . Sa pagkakataong ito parang kakaiba ang "aura" niya. Nakangiti pa siya at mukhang masaya ang hawasan niyang mukha. Naisip ko tuloy mukhang maganda ang araw namin pareho.

Isa syang physical fitness trainer na madalas natin makita sa mga sikat na membership gym. Para sa ilan na kayang magbayad , kumukuha sila ng isang PT or personal trainer na aalalay sa kanila sa kabuuan ng kanilang pagiging miyembro . Sa isip ko para na ring luho ito kasi pwede mo naman gawin din ito sa sarili mo pero sa isang banda madaling sabihin pero parang ang hirap gawin di ba.


Ano nga ba ang buhay gym? Basahin ang pangalawang engkwentro namin .


Ako : Kumusta ang buhay PT?

Siya: Masaya na mahirap.

Ako : Bakit mo nasabi na masaya na mahirap?

Siya: Masaya po dahil alam namin nakakatulong kami doon sa mga taong gustong magpalakas ng katawan at mahirap dahil sa hindi sapat ang kinikita namin para tustusan ang ibang personal naming kailangan.

Nagulat ako sa sinabi niyang iyon dahil buong akala ko dahil para sa isang glamorosong trabaho alam ko na mataas ang bayad nila dahil sa laki ng memebership fees na sinisingil nila sa mga miyembro. Ituloy natin ang kewntuhan .

Ako : Magkano ba ang estimated na kita ng isang PT?

Siya: Maliit lang po umaabot lang ng Php 12,000 kada buwan. Depende na din sa dami ng customer na hawak ng isang PT. Mas madaming PT mas maganda po kasi ibig sabihin nun dagdag na kita para sa tulad ko.
Ako : Ganun ba. Meron ka bang ibang raket ?
Siya : Minsan lumalabas din ako sa isang commercial ng isang sikat na shop kapag may panahon at maisingit sa schedule ko po.
Ako : Hmm...pwede naman sa tayo mo ....( isang ngiti ang sukli nya sa akin).

Parang nahiya na tuloy siya kaya kailangan ko ng itigil ang pagtatanong baka kasi mailang na siya. Nagpaalaman na kami at ako ay muling nagpasalamat sa kanyang mga naibahagi sa akin. Habang pauwi muling bumalik sa isip ko ang kanyang hawasang mukha at ang kanyang mahiyaing ngiti....sana manatili ang mga iyon hanggang sa aming muling pagkikita.

Friday, June 01, 2007

Ulan

Unang araw na ng Hunyo at nandito na nga ang tag-ulan. Pabugso-bugso minsan mahina tapos biglang lalakas at kasabay noon ay sari-saring karamdaman at pakiramdam ang hatid sa ating lahat.

Katulad ng pakiramdam ko nitong mga nagdaang panahon at hanggang ngayon pa rin naman. May katagalan na din itong di-mawaring pakiramdam na ito. Sa ngayon may krisis akong pinagdadaanan ...to pursue or not to pursue..to work or not to work...that is the question. Nabanggit ko na minsan na nagkaroon ng problema sa opisina Nagkagulo dahil sa isang anomalya na sangkot ang isang mataas na opisyal at tulad ng inaasahan damay ang buong opisina at kasama ako doon. Buong tibay kong dinala ito sa aking puso at isipan. Kaliwat kanang mga meeting at pakikipag-usap . Nakakapagod pero sa huli nakakita ako ng pag-asa.

Mali pala ang akala ko . Habang sinusulat ko ito parang lalong gumugulo ang sitwasyon. Nagkaroon ng bagong dayuhang pinuno at tulad ng inaasahan may mga bagong rules and protocols na dapat sundin Lahat ay obligadong sumunod pero hati pa din loob ng karamihan. Hindi ko alam kung kaya ko pa dalhin ang panibagong hamon na ito sa aking trabaho. Tila kasi mabigat na aking ulo , kasabay sa pagkirot ng aking puso. Kirot marahil ito ng kabiguan . Hindi ko alam hanggang saan ako dadalhin nga aking pakikibaka. Hindi ko alam kung aabot ako sa pagkamanhid ng buo kong katawan pero isa lang ang alam kong sigurado ako.......tuloy ang laban ko para sa aking paninindigan.



Monday, May 14, 2007

Boto Ko, Dangal Ko



Kaninang umaga naisakatuparan ko na din ang matagal ko ding hinintay...ang karapatan ko sa pagboto. Habang papunta sa public school na malapit sa amin kung saan ako nakarehistro, napansin kong di ito tulad ng mga nagdaang botohan na naranasan ko. Magaan ang pakiramdam ko ngayon at ibang iba sa nagdaang botohan. Dangal ko ang nakataya sa boto ko kaya buong pagmamalaki kong maipapakita ang aking pagka-Pilipino. Ikaw bumoto ka ba?

Tuesday, May 01, 2007

D' Blind Performers



Nagawi ako sa bahaging iyon ng Avenida sa ilalim ng LRT. Maraming tao sa gitna naki-usyoso na din ako at nakita ko sila . Sa saliw ng isang lumang gitara tuloy ang awit ng isang babaing bulag. Namalikmata ako sa ganda ng tinig ng bulag na iyon, sa tindi ng sikat ng araw sa tag-init, pahinga ko ng maituturing ang pakikinig sa kanyang awitin.

Sunday, April 15, 2007

Tahimik



Ang katahimikan sa kahabaan ng kalsadang ito ang isa sa mga bagay na nais kong balik-balikan. Mula rito tanaw pa din ang Mayon . Sa mga panahon ng aking kamusmusan dito ko inaabangan ang pagdaan ng mamang nagtitinda ng tinapay na nakasakay sa bisikleta tuwing umaga, ang pagtunog ng batingting ng "ice drop" sa panahon ng tag-init, ang pagbibilad ng bagong ani na palay sa ilalim ng sikat ng araw.....masaya , tahimik at makulay.

Thursday, April 12, 2007

Pasalubong


Halos mamanhid ang kamay ko sa pagbitbit ng mga kahon na naglalaman ng konting alaala mula sa probinsya. Sana maaliw ka sa mga pasalubong ko.




Mga "hot item " ito sadya kong pinili para sa inyo at sana maibigan ninyo...pili na!

Tuesday, April 10, 2007

Mt. Mayon




Ang tinaguriang "The Perfect Cone", isa ang Mt. Mayon sa mga tanawing nakakaakit sa mga dayuhang turista. Sa nakaraang pagsabog ng bulkan maraming tao, pananim, tulay at ilog ang nasalanta pero sa kabila nito nananatili pa rin ang kanyang ganda mula sa aking kinaroroonan . Bahagi din ito ng ilang tag-init ng aking kamusmusan.

Sunday, April 08, 2007

Ang Pagbabalik

Matagal din ako nawala...maraming bagay na kinailangan kong unahin muna di kinaya ng hectic kong iskedyul kaya ayun leave agad dahil kung hindi e wala na sana akong babalikan . Bahagya kong naalala na meron pala akong blog na dapat balikan. Sobrang dami ng kwento ang naipon na halos di ko na matandaan lahat pero sisikapin ko na maibahagi ang bawat detalye ng mga kwentong ito. Nais kong magpasalamat na rin na kahit walang naghinhintay sa akin e heto at babalik pa rin ako ( sa ayaw nyo at gusto nyo) at sana kahit sa munti kong mga kwento ay maaliw ko kayo .
Muli maraming salamat...hanggang sa susunod na kwentuhan!!!

Thursday, January 25, 2007

Blog Leave

Para sa lahat ng aking nakadaupang palad sa blog na ito taos pusong pasasalamat po sa inyong lahat (as if marami sila e....sabagay apat sila , di marami na din hehehehe). Magpapalam pansamantala ang abng lingkod ninyo....career muna bago lovelife hehehe...so i hope na magkikita uli tayo same blog probably a different time...dadalaw pa din naman ako sa inyo during my break so makikita nyo pa din ang pangalan ko . Ingats kayo lahat....naiiyak na ako so kailangan ko ng magpaalam (sabay patak ng luha).