Ngayong araw na ito dumating ang araw na isa sa mga kinatatakutan ko. Matinding lungkot at sakit ng kalooban ang nararamdaman ko habang sinusulat ko ito. Madaling araw ng ginising ako ng isang tawag, tawag ng aking kapatid na humihingi ng tulong. Pinuntahan ko ang aking ina at inaabutan ko syang namimilipit sa sakit na nararamdaman niya. Kumirot ang puso ko ng madatnan ko ang eksenang iyon. Dala ng sakit ng aking ina ang dahilan ng tagpong iyon.
Hinagod ko at matiyaga ko siyang nilagyan ng " hot compress" upang kahit panandalian ay maibsan ang sakit na nararamdaman nya. Sa kabila noon ay wala pa din akong kapangyarihan para alisin ang sakit na tinitiis nya. Alumpihit pa rin ako at balisa pero di ko bingyan ng pagkakataon na ipahalata iyon sa aking ina . Inalo ko siya ng konti para mawala sa isip nya ang matinding sakit na di ko maipaliwanag . Binantayan ko sya hanggang makaramdam ng pagod sa pagdaing dahil sa malubhang sakit na dinaramdam nya.
Ngayong araw buong tapang kong hinarap ang ng sinabi na ng doktor na tumitingin sa aking ina ang bagay na di na namin pwedeng ipagkaila at ipagsinungaling sa aming sarili. Ito na ang simula ng kalbaryo at pasakit na pagdaraanan namin lalo na ng aking ina dahil sa sakit na taglay niya. Lumuluha akong humarap sa doktor niya pero kailangan kong tanggapin ang lahat ng bagay na sinabi nya sa akin at sa kapatid ko. Sa araw ng bukas may panibago na naman kaming kailangang pagdaanan , di ko alam kong kakayanin ng aking ina , di ko alam kung kakayanin ko pa pero sa awa at tulong Nya gagawin ko pa din ang lahat para sa aking mahal na ina.
Ngayong araw pa lang na ito ay halos nagluluksa na ako paano pa kaya sa pagdating ng takdang araw na iyon?