Thursday, August 30, 2007

Panahon

Matagal-tagal na din pala mula nung huli kong post kita mo nga naman at matulin na lumipas ang mga araw at heto katapusan na naman , araw ng sweldo para sa mga namamasukan. Marami na din ang dumating na bagyo at katulad ng panalangin natin para sa ulan natugunan ang problema natin sa tubig at patuloy na umuulan para sa irrigasyon ng mga pananim sa mga probinsiya.


Kasabay ng pagbabago ng panahon, dumami din ang nagkaroon ng mga mumunting karamdaman tulad ng sipon, ubo at lagnat dala marahil ng pag-iiba ng temperatura natin sana lang ay mabigyan agad ng atensiyon para hindi lumala. Naalala ko tuloy na kailangan ko nga pala uling bumalik sa doctor para sa aking follow-up check up. Ganun yata talaga kapag nagkaka-edad ang tao nagiging prone sa lahat ng uri ng sakit.

Sa ngayon naghihintay pa din ako sa magiging resulta ng aking pagkonsulta at magkahalong kaba at lungkot ang aking nararamdaman sa mga panahong ito. Sa lahat ng ito itinataas ko ang aking magiging kapalaran sa nasa itaas .

Thursday, August 02, 2007

Pasasalamat

Ang bilis lumipas ng panahon tingnan mo nga naman at buwan na naman ng kaarawan ko at kapag ganitong mga panahon ay nagbabalik tanaw ako sa lahat ng nangyari sa aking buhay at tulad ng dati di ko maiwasan ang pagdaloy ng nangingilid kong mga luha kasabay ng malakas na buhos ng ulan sa bubungan nag aming bahay.


Matagal din ang naging tagtuyo sa bansa at sinagot ang ating panalangin para sa ulan. Dumating si Chedeng at habang papaalis siya ay dumating naman si Dodong. Sana maging maganda naman ang maging bunga ng mga ulan na ito sa ating mga pananim at karagdagang patubig sa ating mga dam.


Sa buhos ng ulan, muling sumagi sa isipan ko ang mga pangyayari sa buhay ko nitong nagdaang panahon. Mga pagsubok sa personal na buhay, sa trabaho, sa mga kaibigan, sa pakikipag relasyon, sa krisis sa pamilya...ahhhh marami-rami na din pala ang napagdaanan ko. Heto sa awa ng Poong Maykapal , nakatayo pa din at patuloy na lumalaban sa hamon ng buhay.


Para sa mga taong nakadaupang-palad ko , sa totoong buhay man o sa virtual na mundo, masaya akong mapasyal sa mga bahay ninyo. Hindi man ninyo naitatanong ay naging bahagi din kayo ng buhay ko at sa aking pamamasyal ay unti-unti kong binabasa ang bawat isa sa inyo. Salamat sa pagkakataong ibinigay ninyo.


Para sa mga taong di ko gaano napasaya, mga taong nagalit at nainis, salamat din sa inyo dahil sa lahat ng ito ay unti-unti ko ding natutunan na marami din pala akong kayang gawin tulad ng mas malalim ng pang unawa . Salamat sa bagong aral na naituro ninyo.


Hindi ko alam kung hanggang saan pa ang kaya ko...di ko din masabi kung kakayanin ko ito hanggang huli pero isa lang ang masasabi ko....SALAMAT . Isang buong pusong pasasalamat ang aking alay para sa KANYA.... salamat sa makahulugang buhay na ipinahiram ninyo. Kalakip ng pasasalamat na ito ang panalangin sa patuloy na pag gabay sa landas ng buhay.